Sachet

October 13, 2017

Sachet. Ito 'yung mga maliliit na pakete kung saan nakalagay ang mga tingi-tinging produkto na ginagamit natin sa araw-araw. Shampoo, toothpaste, kape, gatas, toyo, suka, patis, pomada, pampakintab ng sapatos, sabong pambabad, panlinis ng banyo at kung anu-ano pa. Mabibili rin ang mga ito sa mga suking tindahan sa ating komunidad. Dahil nasa maliit na pakete lang ito, mura lang ang halaga ng mga produktong nasa sachet. Abot-kaya ng masang Pilipino na hindi naman ganoon kalaki ang kinikita sa buwan-buwan. 
Pero kung ikaw ay galing sa pamilya na nakakaluwag-luwag, maaaring hindi mo nakikita sa bahay ninyo ang mga sachet ng mga produktong nabanggit sa itaas. Mas malamang kasi sa hindi, hindi naman kayo sa suking tindahan bumibili ng mga pang-araw araw ninyong pangangailagan sa bahay. Marahil ay sa mga grocery stores at supermarket kung saan makakabili ng kaparehong produkto pero nasa mas malalaking mga lalagyan. Maramihan kumbaga. Maaaring nasa bote, tube, malaking supot o maliit na plastic container na pwedeng gamiting balde kapag naubos na ang laman. Ito iyong mga produktong may kamahalan ang presyo, at ang mga nakakaluwag lang ang may kakayahang bumili nito ng regular sa buwan buwan. 
Ang mga sachet ng pang-araw araw na produkto ay naging problema na rin ng lipunan. Nagdudulot kasi ito ng polusyon at pagbara ng mga kanal sanhi ng pagbaha. Kung saan-saan na lang naman kasi itinatapon ang mga paketeng ito dahil nga sa maliit. Nagkalat ang mga gamit nang sachet sa paligid. Ang hindi natin alam, kapag nagsama-sama sila, nagiging malaking problema sila. Pero hindi maikakaila na ang mga produkto na nasa sachet ang mas madaling gamitin. Mas convenient, sabi nga nila. Paano, kapag aalis ka at magta-travel, mas magandang magdala ng mga naka-sachet na gamit sa banyo para hindi maging dagdag pabigat sa mga dalahin. Kahit saan din ay mabibili ito. Abot-kamay ng kahit na sinong agarang nangangailangan nito. 
Parang droga. 
Oo. Droga. Droga na nasa sachet. Kung nanonood kang madalas ng balita, pamilyar ka sa mga katagang "sachet ng pinaghihinalaang shabu". "Sachet ng marijuana." At ang karaniwan ding nakikitaan ng mga ito ang mga taong nabibilang sa komunidad kung saan ang mga nakatira ay umaasa lang sa mga tingi-tinging produktong ginagamit sa araw araw. Ang mga mahihirap. Ang iba sa kanila, nagbebenta ng sachet ng droga. Ang iba ay bumibili at gumagamit ng droga. Ang iba, parehong nagbebenta at gumagamit. Nalulong na sila sa ilegal na gawain dahil na rin mismo sa kahirapan ng buhay, kakulangan sa trabaho o ng pagkukunan ng pantustos sa pang-araw araw na pangangailangan. O minsan ay para makalimutan kahit sandali ang kahirapang kinalugmukan nila at hindi na nila maisip kung paanong babangon o kung makakabangon pa ba. May mga gumagamit din ng droga para lang makiuso. Para lang maging cool. Pero kahit ano pa ang dahilan ng isang tao sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, sa kulungan ang bagsak niya. At kapag minalas at nanlaban sa mga pulis, sa punerarya. 
Krimen nga bang matatawag ang paggamit ng droga? Oo, dahil ginawa itong krimen bunga ng mga masasamang epekto nito sa kahit na sinong malulong dito. Pero kung tutuusin, ang paggamit ng droga ay maaaring maihalintulad sa pag-inom ng alak. Pero ‘di tulad ng paggamit ng droga, ang pag-inom ng alak ay isang legal na bagay na napatunayan na ding nagbubunga ng masasamang bagay tulad ng pagpatay, paghahalay, pagnanakaw at kung anu-ano pa. Ang mga nalulong sa alak at droga ay parehong pwedeng ikategorya sa ilalim ng tinatawag na substance dependence. Sabi sa mga pag-aaral sa ibang bansa, ito ay hindi isang krimen kundi isang sakit na nangangailangan ng atensyong medikal.
Pero hindi lang sachet ng droga ang nasasabat ng mga pulis. Meron ding malakihang pakete. Maramihan. Minsan nga, may nadidiskubre pa silang mga pagawaan ng shabu. Nu'ng nakaraan nga, may nabalita pang galon-galon ang nakabaon sa lupa sa isang probinsya dito sa bansa. Pero ang nakapagtataka, sa kabila ng pinaigting na batas kontra droga, wala pang napapabalitang mga nanlaban at napatay ng mga pulis na nakitaan ng malalaking supot ng droga. Karaniwan nga, hindi nila matukoy kung sino ang nasa likod ng nasa mga shabu laboratory na tinatawag nila. Kung meron mang nahuli, makikitang nasa harap ito ng mga senador, nakabihis ng magara at may bottled water pa sa harap nito habang nagsasabi ng "I invoke my right to self-incrimination". 
Hindi kaya dahil sachet lang ang abot-kaya sa Pilipinas? Sa taas ng presyo ng mga bilihin, hindi na kayang bilhin ng mahihirap ang karapatang pantao nila na dapat sana'y libre nilang natatamasa. Hindi kaya dahil sachet lang ang nagpapakalat-kalat at kitang-kita? Kaya naman ang mga nakagamit nito ay naging pakalat-kalat na lang din sa paligid matapos nilang manlaban sa mga awtoridad. Mga sachet nga lang ba ang nagiging sanhi ng pagbabara ng mga kanal, dahilan para bumaha? Hindi ba't mas malaking problema pa nga ang mga malalaking supot? 
Sachet. Ito na ang naging universal reliever nating mga Pilipino sa agarang pangangailangan natin sa lahat ng bagay. Mas maliit, mas madaling gamitin. Mas mura, mas convenient. Mas madali ring linisin, at tanggalin sa pagkakabara. Ikaw? Gumagamit ka ba ng mga produktong nasa sachet? 

Ang blog entry na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017.








You Might Also Like

0 comments