para kay sugar (2024 version)

Iba iba ang uri ng pakikinig. Iba't iba ang tono, iba't iba ang himig. 

Hindi rin pare-pareho ang layunin ng mga nakikinig. May mga pandinig na nakatuon para sumunod, ang bawat salitang naririnig ay nagiging gabay. Nakikinig sila hindi para sumalungat, kundi upang sundin ang landas na inilalatag ng sinumang nagsasalita. 

Mayroon namang pakikinig na parang nasa classroom. Ang bawat salita ay sinusuring maigi, sinisipat, at sinasalin upang gawing aral. Ang ganitong pakikinig ay puno ng paghanga at pagkatuto. Sa bawat kwento, may natututunan. 

Hindi rin lahat ng pakikinig ay dalisay. May mga pandinig na nag-aabang ng tsismis, na mga ibong mabilis magbitbit ng balita. Nakikinig sila hindi upang umunawa, kundi upang mag-ipon ng kwento na may panibagong dagdag pagdating sa ibang tagapakinig. 

Meron ding pakikinig na may kasamang. Ang bawat sinabi ay sinusukat, hinuhusgahan, hinahambing sa sariling paniniwala. Ang pandinig na ito’y hindi naghahanap ng pag-unawa, kundi naghahanap ng mali, ng pagkukulang. 

Ngunit sa lahat ng uri ng pakikinig, ang pinakamarangal ay ang pakikinig na tahimik. Walang opiniyon na ipinipilit, walang kwestyong nakakapanliit, walang solusyong isinusubo. Ito ang pakikinig na hindi ginagawa dahil kailangan, kundi dahil may kailangang marinig. Ito ang pakikinig na nagmumula sa malasakit, mula sa pusong nauunawaan na minsan, sapat na ang maging saksi sa bigat ng salitang binibitawan. 

Sa dami ng uri ng pakikinig, ito ang nagsisilbing musika na hindi kailanman magdudulot ng ingay. Ito ang pakikinig na nagiging kanlungan, ang pakikinig na nagiging pagmamahal. 

Salamat sa pakikinig nang tahimik.